|
Nagbunga ang pagkakalantad ng mga paglabag sa batas na
ginawa ng Anvil Ensembles, isang pabrika ng damit. Nagdesisyon ang DOLE na
dapat bigyan ng back pay ang mahigit 100 manggagawa at mga di nabayarang
benepisyo sa loob ng sampung araw.
Ito’y matapos mabunyag ang mapait na sitwasyon ng mga trabahador ng
naturang pagawaan. Mas mababa sa minimum wage ang pinasasahod at kayrami
palang overtime work na hindi binayaran. At delingkwente ang kumpanya sa
pagbayad ng kontribusyon sa SSS pero patuloy namang kinakaltasan ang mga
sweldo para rito.
Naiskandalo lalo ang pabrika dahil sa masagwang gawain ng mga may-ari -
ang pagpapainom ng gamot na pampagising. Natuklasan sa mga imbestigasyon
ng Inquirer reporters na delikadong ipainom ito sa kahit sino. Panlaban sa
pananaba ang tunay na pakay ng gamot at hindi pampagising.
Ang ganitong pagmamaltrato ay nararapat lang ilantad. Sa mga pagkakataong
ito nagiging mahalaga ang papel ng media. Malinaw na napakatagal nang
masalimuot ang sitwasyon sa pabrika. Walang gumagawa ng hakbang upang
ituwid. Maging pamahalaan o pribadong sektor. Kung hindi pa nadyaryo,
hindi aaksyon ang kinauukulan.
Noong Linggo, lumabas sa dyaryo ang reaksyon ng pangulo ng Confederation
of Garment Exporters of the Philippines (Congep). Pinuna niya ang
paglalantad ng pahayagan ng baho ng isang pabrika ng damit. Labis siyang
nababahala sa negatibong epekto nito sa buong industriya.
Ipinagmalaki niyang ang mga exporter ng garments sa bansa ay sumusunod sa
mga pamantayan ng paggawa. Mariin niyang itinangging sila’y nagpapatakbo
ng mga pagawaang may mga kondisyong di angkop sa pagtatrabaho o
‘sweatshops’.
Dinagdag pa niyang kapag may mga kasong tulad ng Anvil, hindi na raw dapat
ni-report ito. Isang pabrika lang daw ito at dahil sa nakakaistorbong
paglarawan ng mga kondisyon, baka mabalitaan daw ito ng mga customer ng
ating exports sa abroad. Baka isipin nilang laganap ang mga kondisyong
iyon sa industriya at itigil ang kanilang mga order.
Napakaliit ng kontribusyon ng Anvil kumpara sa sumatotal na kita ng
industriya -- $3 bilyon kada taon. Kapag nangyari ang paglaho ng kumpyansa
ng mga buyers sa abroad at wakasan ang mga orders nila, malaking
dislokasyon para sa mahigit 400,000 manggagawa. At syempre higit na
matinding kawalan sa kita ng industriya.
Binida pa ng Congep hepe na ang lokal na industriya ng mga damit ay ang
unang nagmiyembro sa programang Responsible Apparel Production. Ito’y
isang internasyonal na kasunduan na tumatangkilik sa makatao at disenteng
kondisyon sa paggawa.
Ganu’n naman pala. Ang tanong ngayon ay bakit hindi namanmanan ng Congep
ang sitwasyon ng Anvil kung kabilang sila sa nasabing kasunduan. Kung
tunay na responsable sila, dapat may sarili silang pagmomonitor ng mga
pagawaan sa damit. Kung taimtim ang mithiin nilang magpinta ng positibong
imahe ng industriya sa mga buyers sa abroad, sana’y naging pursigido sila
sa pagmintina ng mga pamantayan.
Alam din nilang masusing binibigyan ng atensyon ng mga kliyente lalo na sa
Amerika ang makataong pagtrato sa mga manggagawa. Kabilang ito sa mga
batayan ng pagdedesisyon nila sa negosyo. At alam din ng Congep na ang
ating bansa ay kilalang responsable sa mga usaping ito. Kaya nga raw
malakas ang kita ng export ng mga damit na gawa rito.
Inasahan ng Congep na sana’y hinintay ng pahayagan ang mga hakbang ng
pribadong sektor at ng DTI bago inilabas ang report. Pero sa aking palagay,
tama lang ang ginawa ng mga nag-ulat. Sa tagal ng panahong nagaganap ang
masaklap na sitwasyon sa Anvil, wala namang naging aksyon ang sinumang
kinauukulan. Hindi pa ba nararapat isiwalat ang lahat?
Sa mga nangyayari ngayon, tila kinailangan na talaga ang pagbunyag ng mga
anomalya sa pabrika para lang maudyok ang mga awtoridad na imbestigahan at
gawan ng nararapat na aksyon. Hindi dahilan ang pagmintina ng positibong
larawan para supilin ang paglantad ng pang-aapi ng manggagawa. Ang ibig
bang sabihin ng Congep ay takpan na lamang ang mga kasong ganito at huwag
ilantad sa media para manatiling mabango ang imahe?
Ituring na lamang na panggising ang nangyaring paglantad. Panggising sa
ibang pabrikang malamang na gumagawa rin ng mga paglabag. Panggising sa
mga lider ng industriya na ipulis ang sariling pwersa kung walang maasahan
sa pamahalaan. Kapag nasagap ng mga buyers sa abroad ang pagsisikap na ito,
baka naman matuwa pa rin sila at lalong magpatuloy ng kanilang mga
transaksyon. |