|
Nakakalungkot isiping patuloy na mapagsasamantalahan ng
mga negosyante ang mga maliliit nilang empleyado. Nakakapagngitngit ang
katotohanan na hindi pa rin makakatanggap ng tamang sweldo at benepisyo
ang maraming manggagawa rito sa ating bansa. Bakit? Sapagkat parang
ipinagtatanggol pa ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga
tiwaling negosyante!
Base mismo sa ginawang inspeksyon ng DOLE, napatunayan nilang halos 3
libong kumpanya ang lumalabag sa mga batas kaugnay sa Labor Standards.
Bunga nito, mahigit 40 libong manggagawa ang napatunayang hindi
nakakatanggap ng tamang sweldo at benepisyo.
Pero ayon kay Labor Secretary Patricia Sto. Tomas, dapat nating intindihin
na kung ikukumpara sa daan-daang libong kumpanya sa buong bansa, masyado
nga namang maliit ang bilang ng halos 3 libo napatunayan nilang lumalabag
sa batas sa pagtatrabaho. Pero ang hindi naman naisip ng ating kalihim,
ang naturang bilang ay base lamang sa mahigit 6 na libong kumpanya na
kanilang ininspeksyon.
Kung titignan natin ang statistics, lumalabas na 41 porsyento sa mga
kumpanyang kanilang ininspeksyon ang hindi nakakasunod sa batas. Ibig
sabihin, kung masisilip lamang nila ang lahat ng kumpanya sa buong bansa
at patuloy na maglalaro sa 41 porsyento ang bilang ng mga lumalabag sa
labor standards, lilitaw na milyun-milyong Pilipino pala ang hindi
nakakatanggap ng karampatang sweldo at mga benepisyo!
Ang masakit pa nito, tila walang magawa ang DOLE para mapigilan ang
pagsasamantala ng mga mayayamang negosyante. Natatakot silang ipasara ang
mga kumpanyang lumalabag sa batas dahil kung magkakagayon, marami ring mga
empleyado ang mawawalan ng trabaho at lalo pang lolobo ang unemployment
rate sa bansa.
Naiintindihan ko po ang dilemma ni Secretary Sto. Tomas. Kailangan niyang
balansehin ang pagbibigay proteksyon sa karapatan ng mga empleyado at ang
paniniguro na sila'y mawawalan ng trabaho. Pero hanggang kailan natin
papayagan ang ganitong pang-aabuso?
Kung hindi rin pala masusunod ang mga batas, para que pa ito at kailangang
pag-aksayahan ng panahon ng ating Kongreso? At kung wala rin palang
magagawa ang DOLE sa kinasasapitan ngayon ng mga manggagawa, para saan pa
para manatili sila sa kanilang posisyon?
Ayon pa sa kalihim, ang kanilang ginagawa ngayon ay tulungan ang mga
kumpanyang ito na makasunod sa labor standards imbes na parusahan ang mga
nagkamali. Pero ito na nga mismo ang dahilan kaya malakas ang loob ng mga
nasabing kumpanya na labagin ang batas. Wala kasing ngipin ang ating
pamahalaan.
Kung nakakasunod sa labor laws ang 59 na porsyento ng mga kumpanyang
kanilang binisita, bakit hindi ito magawang gayahin ng 41 porsyentong
nahuling lumalabag sa batas? Hindi nila pwedeng idahilan na hirap sila
dahil halos lahat naman ng negosyo ngayon ay nahihirapan!
Kung ako ang tatanungin, walang karapatan ang mga negosyante na magbukas
ng isang kumpanya kung wala naman silang kakayanang magpasweldo ng tama sa
kanilang mga tauhan. At hindi dapat matakot ang DOLE sa mga ito sapagkat
hindi rin naman makakatagal ang mga abusadong negosyante na mawala ang
kanilang pinagkakakitaan.
Samantala, kung dito lamang sa ating sariling bansa ay hindi na natin
kayang protektahan ang ating mga manggagawa, paano pa kaya ang
milyun-milyong overseas Filipino workers (OFWs) sa ibayong dagat? Ano ba
ang gusto nating mensahe na makarating sa mga dayuhang employers? Na pwede
nilang pagsamantalahan ang ating mga kababayan dahil takot silang mawalan
ng trabaho? |